Makasasama para sa bansa ang pagsusupinde sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Ito ang isiniwalat ni Budget Secretary Benjamin Diokno.
Paliwanag ni Diokno, magdudulot ito ng gulo sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) na ipinatutupad na ang reporma sa buwis. Aniya, maapektuhan din nito ang revenue projection.
Aminado naman si Diokno na tumaas ang presyo ng ilang bilihin bilang resulta ng TRAIN Law. Gayunman, ipinunto ng kalihim na na mayroon namang mga hakbang na napapaloob sa batas para mapagaan ang epekto ng “transitory” price increase.
Halimbawa na lamang ang unconditional cash transfer para sa mga pinakamahihirap na pamilya na nagkakahalagang P200 kada buwan.
Nauna nang, ipinanawagan ni Senador JV Ejercito na suspindehin ang TRAIN law sa gitna ng 4.5% na inflation rate noong Abril, ang pinakamabilis sa loob ng limang taon.