Isa pang sibilyan na bihag ng ASG sa Sulu, nasagip na ng militar

Nasagip na ng mga militar ang isa pang sibilyan na dinukot ng Abu Sayyaf Group nitong April 29.

Pagkumpirma ni Lt. Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu, nasagip kahapon si Blas Jackosalim Ahamad ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 3 sa pangunguna ni Lt. Col. Ramil Holgado sa Sitio Budjang, Brgy Libog Kabao, Panglima Estino, Sulu.

Paliwanag ni Sobejana, natunton nila ang biktima matapos makatanggap ng impormasyon sa munisipalidad na napadpad ito sa Panglima matapos ang bakbakan nila sa ASG noong May 7.

Kasalukuyan naman ngayong isinasaililm sa custodial debriefing si Ahamad sa JTF headquarters makaraang dumaan sa medical examination sa Heneral Teodolfo Bautista Station Hospital sa Jolo.

Bago nito, una nang pinalaya ng grupo ang sibilyan na si Faizal Ahidji noong May 5 ng gabi makaraang iwan na lang na nakapiring ang mata sa gubat ng Daan Puti, Brgy. Bangkal.

Matatandaan na nitong April 29, dinukot ng mga bandido sina Ahidji, Jackosalem Blas at 2 pulis na sina PO3 Benierose Alvarez at PO1 Dinah Gumahad sa Brgy. Liang, Patikul, Sulu.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...