Tiniyak ng Malacanang na mas palalawigin pa nila ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Katunayan, sinabi ni Budget Sec. Butch Abad na sa 2016 National budget naglaan sila ng P62.7Billion para palawigin pa ang 4Ps at isama pati ang mga highschool students na pakikinabangan ng mas maraming mahihirap na pamilya.
Ayon kay Abad, naniniwala sila na hindi lamang dapat na i-mantine ang 4Ps kundi palawakin pa dahil ito ang itinuturing nilang pinaka epektibong programa ng pamahalaan para sa mga pilipino na kapos sa buhay.
Sa P62.7Billion na budget ng 4Ps, P59.4Billion ang mapapakinabangan ng 4.4 milyong rehistradong beneficiaries ng regular Conditonal Cash Transfer program at ang natitirang P3.3Billion ay paghahatian naman ng mahigit na dalawang daang libong benipisyaryo ng Modified CCT (MCCT).
Nauna nang sinabi ng ilang kritiko ng pamahalaan na ginagamit lamang ang nasabing programa bilang bahagi ng pangangampanya ng Aquino administration.
Sa kanyang panig, muling binigyang-diin ni Abad na nakahanda silang ipaliwanag at patunayan na napupunta sa mga tamang beneficiaries ang nasabing pondo ng programa.