AFP pinagpapaliwanag sa kanilang posisyon ukol sa Chinese missiles

Hinihingi ni Senador Leila de Lima ang posisyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa paglalagay ng China ng missile systems sa Spratlys, na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Giit ni de Lima, dapat isapubliko ng AFP kung sila ay sangayon sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang China ang nagsisilbing protektor ng Pilipinas gayung ito ang dahan-dahan nang sumasakop sa ating teritoryo.

Aniya, dapat din ipaalam ng puwersang-militar ng Pilipinas kung handa pa itong depensahan ang kanilang puwersa sa West Philippine Sea laban sa China at sa mga sinasabi niyang traydor sa ating hanay.

Pagdidiin ng senador na ang China lang ang lumabag sa international law sa pamamagitan nang paglalagay ng kanilang base military sa loob ng ating teritoryo at humaharang sa ating Navy at Air Force sa pagbabantay sa rehiyon.

Bukod pa diyan aniya, ang pagpigil sa mga ating mangingisda na mangisda sa rehiyon at malinaw na banta sa ating pambansang seguridad ang ginagawang militarisasyon ng China sa mga isla na malinaw na nasa loob ng teritoryo ng Pilipinas.

Read more...