Ilang araw bago ilabas ang desisyon ng Korte Suprema sa Quo warranto petition kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ay Hiniling ng Integrated Bar Of the Philippines o IBP ang pagbabalik sa trabaho ng punong-mahistrado sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Atty. Domingo Cayosa, Executive Vice President ng IBP, posible kasing makasuhan si Sereno ng “dereliction of duty”.
Paliwanag ni Cayosa, krimen na maituturing ang pagtalikod sa tungkulin sa gobyerno kung wala namang ligal na balakid para ipagpatuloy ni Sereno na gampanan ang kanyang tungkulin.
Dagdag nito, naiintindihan nila na karapatan ni Sereno na sumailalim sa wellness leave o magpahinga muna pero hindi naman maari na talikuran nito ng matagal na panahon ang kanyang tungkulin para pamunuan ang hudikatura.
Kung sa palagay aniya ng punong-hukom na mabuti na ang kanyang pakiramdam at handa na siyang sumabak sa trabaho ay gawin niya na ito sa lalong madaming panahon.
Iginiit din nito na dapat mangibabaw ang “rule of law” at hindi dapat magpaapekto si Sereno sa mga pambu-bully sa kanya at bilang pinuno ng hudikatura ay alam ni Sereno ang pangangailangan para gampanan ng maayos ang kanyang tungkulin.
Sinabi ni Cayosa na napag-usapan na aniya ng “circle of lawyers” ang pangangailangan para bumalik na si Sereno sa tungkulin.
Sabi pa ni Cayosa na sa halip na maging abala sa pagsalag sa mga publicity laban sa kanya ay bumalik na lamang sa trabaho si Sereno.