Inalerto ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang publiko tungkol sa pagkain ng mga lamang dagat o shellfish at alamang sa limang mga lalawigan.
Ito ay dahil nakita sa pagsusuri ng kagawaran na mataas ang lebel ng paralytic shellfish poison o mayroong red tide sa mga katubigan sa Honda Bay sa Puerto Princesa City, Palawan; probinsya ng Biliran; Leyte; Dauls at Tagbilaran City sa Bohol; at Lianga Bay sa Surigao del Sur.
Paalala ng BFAR, hindi ligtas kainin ng tao ang anumang uri ng shellfish at alamang mula sa mga nabanggit na lugar.
Maaari namang kainin ang mga isda, pusit, hipon, at alimango na mahuhuli sa mga nasabing lugar, ngunit kailangang tiyakin na sariwa ang mga ito. Dapat ring linisin at tanggalin ang mga lamang loob ng isda bago ito lutuin upang matiyak na hindi ito nakakain ng lamang dagat na mayroong paralytic shellfish poison.