Nakarating na sa Pilipinas ang undefeated boxing champion na si Floyd Mayweather.
Bandang alas-2:30 ng madaling araw nang lumapag sa private hangar ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang sinasakyang private jet ni Mayweather.
Sa panayam ng media, hindi napigilan ni Mayweather na ipakita ang kanyang excitement sa pagbisita. Ito kasi ang unang pagkakataon na nakarating ang boxing champ sa bansa.
Hindi pa malinaw kung ano ang itinerary ni Mayweather sa bansa, ngunit napabalitang gusto nitong pumunta sa Palawan.
Ani Mayweather, ang pangunahing gagawin niya sa Pilipinas ay makipagkita sa kanyang mga Pinoy fans at magpasalamat sa kanilang suporta sa kanyang boxing career. Bukod pa ito sa plano niyang bisitahin ang iba’t ibang mga lugar sa bansa.
Aniya pa, handa siyang makipagkita at makipaglaro ng basketball kay Senador Manny Pacquiao na dati na nitong nakalaban.
Sa ngayon ay nasa General Santos City si Pacquiao para sa kanyang training bilang preparasyon sa kanyang laban kay Lucas Matthysse sa July 15.
Bago magpunta ng Pilipinas ay nanggaling muna si Mayweather sa Bangkok, Thailand. Tila nililibot din nito ang Asya dahil pumunta na rin si Mayweather sa Dubai, Singapore, at Indonesia.