Danilo Lim itinangging nag-eendorso ng kandidato para sa barangay election

Contributed photo | Inquirer.net

Itinanggi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim na nag-eendorso siya ng kandidato para sa nalalapit na barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Ito ay matapos kumalat ang campaign poster ng isang Eddie Gavino na tumatakbo bilang kapitan ng Barangay Sta. Lucia sa Pasig City, kung saan kasama nito sa poster si Lim na itinataas pa ang kamay ng kandidato na tila nag-eendorso.

Sa isang pahayag, sinabi ni Lim na hindi niya personal na kakilala si Gavino.

Aniya pa, hindi niya rin alam na tumatakbo pala si Gavino para sa barangay election.

Paliwanag ni Lim, ang naturang litrato nila ni Gavino ay pagpapakita lamang ng kaniyang pakikisama sa mga bumibisita sa kanyang opisina.

Aniya pa, batid niyang ipinagbabawal sa ilalim ng joint circular ng Commission on Elections (COMELEC) at Civil Servic Commission (CSC) ang pag-eendorso ng mga opisyal ng gobyerno sa sinumang kandidato.

Ani Lim, nadismaya lamang siya dahil ginamit sa politika ang kanyang ginawang pakikisama.

Read more...