Pinaiimbestigahan na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang madalas na pagbiyahe at ang mamahaling hotel accommodation ni Philippine Health Insurance Corporation Officer-in-charge Celestina Maria Jude Dela Serna.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, prayoridad ng pangulo na mabigyan ng universal health care ang lahat ng Filipino.
Giit ni Roque, hindi maisasakatuparan ang programa ng pangulo kung nababalot ng kontrobersiya ang Philhealth at hindi nasisiguro na nagagamit ng husto ang pondo nito.
Sinabi ng opisyal na bibigyang importansya ng pangulo ang paglilinis sa hanay ng Philhealth.
Tiniyak naman ni Roque na bibigyan ng pagkakataon ng pangulo si Dela Serna na marinig ang kanyang panig.
Nauna nang kinuwestyun ng resident auditors ng Philhealth ang mahigit P600,000 gastos ni Dela Serna para sa kanyang biyahe sa loob ng bansa, hotel accomodation at mga allowances.
Ayon kay Roque, “Well, alam ko po iimbestigahan din po iyan ng Presidente ‘no. Dahil prayoridad po talaga ng Presidente na magbigay nung universal health care at talagang kung hindi po malilinis ang hanay ng PhilHealth, hindi po magkakatuparan itong universal health care”.
Nauna na ring ikinatwiran ni Dela Serna na madalas siyang tumuloy sa mga hotel dahil wala siyang bahay dito sa Metro Manila.
Madalas rin umano ang kanyang byahe sa Bohol dahil doon ang kanyang hometown.