Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi nila pinagbabawalan ang media na i-cover ang Balikatan 2018.
Sa isang press conference matapos ang pag-arangkada ng ika-34 Balikatan Exercises, sinabi ni Lt. Gen. Emmanuel Salamat, Philippine Exercise Director ng Balikatan 2018 na wala naman silang official pronouncement na banned ang media sa pag-cover ng Balikatan events.
Paliwanag pa nya, bukas sila sa mga kagawad ng media dahil sa pamamagitan nito ay makikita ang mga kahandaan at antas ng pagsasanay na ginagawa ng sundalo sa parehong kampo.
Dagdag pa nya, kung magkakaroon man ng limit sa coverage, ito ay sa mga itinuturing lamang na ‘risky events’.
Magsisimula ang amphibious landing exercise ng 2 government troops sa Naval Education Training Command sa San Antonio, Zambales sa May 9, habang gagawin naman ang combined arms live fire exercise sa Colonel Ernesto Rabina Air Base o Crow Valley sa Tarlac sa May 15.