Taylor Swift binisita ang tagahangang nasa ospital

JD McCune/Zachary McCune Photo

Sinorpresa ng sikat na singer na si Taylor Swift ang isa niyang 8 taong gulang na tagahanga na kasalukuyang nasa ospital, matapos magtamo ng third-degree burn ang halos 65% ng kanyang katawan dahil sa pagliliyab na naganap sa kanyang lugar.

Nag-viral kasi sa social media ang video na ginawa ng pamilya ni Isabella McCune kung saan sinabi ng tagahanga ni Taylor na kung maaari ay bisitahin sana siya nito sa ospital dahil hindi siya makakadalo sa concert ng singer-songwriter.

Kwento pa ng ina ni McCune, kapag pinapalitan ang gasa ng kanyang mga sugat ay ginagamit ng mga hospital staff ang mga awitin ni Taylor para maibsan kahit papaano ang sakit na nararamdaman ng bata.

Kaya naman nang mapanood ni Taylor ang video ay lumiban ito sa rehearsals para sa kanyang Reputation Stadium Tour at binisita si McCune.

Nagdala pa ito ng mga souvenir mula sa kanyang concert tour.

Hindi naman naitago ni McCune ang saya nang makita ang idolo.

Halos 20 minuto rin nanatili si Taylor sa ospital at bago ito umalis ay pinaunlakan pa nito ng yakap si McCune.

Read more...