3 armadong lalaki patay matapos makaengkwentro ng mga awtoridad sa Negros Occidental

Patay ang tatlong armadong lalaki habang arestado ang tatlong iba pa sa enkuwentro ng mga suspek sa mga miyembro ng Regional Public Safety Battalion sa Western Visayas sa Brgy. Cambayobo sa Calatrava, Negros Occidental.

Ayon kay Chief Insp. John Joel Batusbatusa, Calatrava Police Chief, ang nasawi ay sina Sabino Mancao, Ramil Castor at Emar himang.

Arestado naman sina Romnick Octavio, Pepe Lausa at Josei Castor.

Narekober sa mga napatay na mga suspek ang dalawang homemade 357 revolvers at isang .38 caliber revolver.

Nakuha naman sa lugar ng sagupaan ang KG 9 automatic pistol, 12-gauge shotgun, 38 caliber revolver at iba’t ibang bala.

Gayunman, ang tatlong iba pang miyembro ng grupo na pinamumunuan ni Mancao ay nakatakas.

May operasyon ang mga miyembro ng RPSB-6 sa pamumuno nina Chief Insp. Tolando Lago Jr. at Senior Insp. Ryan Villasario nang maka-enkuwentro nila ang grupo ng mga armadong lalaki na unang pinaghinalaang mga rebelde.

Pero nalaman ng pulisya na ang mga suspek ay bahagi ng armadong grupo na nag-ooperate sa lugar.

Ayon sa Calatrava Police, si Mancao ay dating NPA member na pinatalsik sa grupo kaya bumuo ito ng sariling grupo na sangkot sa pangingikil at ibang iligal na aktibidad.

Read more...