Bagamat sa Mayo a-onse pa o eksakto isang linggo mula ngayon inaasahang pagbobotohan ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang quo warranto petition laban kay Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno.
Nagsimula nang maghakot ng mga gamit ang mga staff ng Office of the Chief Justice.
Ayon sa source, kaninang umaga, anim na malalaking balikbayan box ang inilabas mula sa Tanggapan ng Punong Mahistrado.
Hindi umano naharang ng security ang mga inilalabas na balikbayan box, pero pumagitna ang ilang mataas na opisyal na Korte Suprema at iginiit na sumailalim sa inspeksyon ang lahat ng mga kahon na ilalabas mula sa tanggapan ni Sereno.
May nagmungkahi pa nga na gawin na lamang ang inspeksyon sa loob ng Tanggapan ni Sereno para paglabas ng opisina ay hindi na ito haharangin pa.
Dagdag pa ng source, may mga dokumento na rin mula sa Office of the Chief Justice na isinailalim sa shredding o giniling.