Pilipinas, maari nang humingi ng tulong sa US dahil sa China missile sa Philippine Reef

Google Photo

Hindi lamang banta sa seguridad ng bansa ang paglalagay ng China ng missiles sa tatlong bahagi ng Philippine Reef.

Ito ayon kay Caloocan Rep. Edgar Erice ay dahil maituturing nang pananalakay ang ginagawa ng China sa Zamora Reef (Subi), Kagitingan Reef (Fiery Cross), at Panganiban Reef (Mischief).

Dahil dito, sinabi ng mambabatas na maari ng humingi ng tulong ang bansa sa Estados Unidos na nakabase sa Defense Treaty na nilagdaan ng Pilipinas at US.

Dapat din anyang magpahayag ng pagkundena ang pamahalaan sa ginagawang militarisasyon sa nasabing lugar.

Pagpapakita din anya ang hakbang na ito ng China ng hindi pagrespeto sa bansa kung saan ay ipinapakita pa ng pamahalaan ang pakikipagkaijigan sa Chinese government.

Kaugnay nito, nananawagan naman si Magdalo Party-list Rep. Garry Alejano sa Duterte administration na magising na raw mula sa matagal na nitong pananahimik at hindi pagkilos sa naturang usapin.

Binigyan diin nito na hindi dapat magpauto ang Pilipinas sa matamis na pangako ng China na mga investments at loans para sa Pilipinas sapagkat pain lamang daw ito kapalit ang seguridad ng Pilipinas.

Iginiit nito na dapat ipagbigay alam sa buong rehiyon ang insidente dahil nangangahulugan lamang na kailangan na sa ngayon na magkaroon ng binding Code of Conduct sa lalong madaling panahon.

Read more...