Sister Patricia Fox umaming sumama sa rally pero bilang missionary work

Inquirer.net Photo | Jhoanna Ballaran

Nagsumite na ang Australyanong madre na si Sister Patricia Fox ng kontra salaysay kaugnay ng kinakaharap niyang deportation case na nag-ugat sa ulat ng intelligence officer ng Bureau of Immigration (BI) na siya ay sumali sa mga kilos protesta sa Pilipinas.

Ang pagsusumite ni Sister Pat ng counter affidavit sa punong tanggapan ng BI sa Intramuros, Maynila ay sinabayan ng rally ng kanyang mga tagasuporta.

Partikular na inaakusahan si Sister Pat ng paglabag sa Section 37 ng Philippine Immigration Act of 1940 na nagbabawal sa mga dayuhang turista na makilahok sa alinmang politikal na aktibidad sa Pilipinas.

Pero sa kanyang 26-pahinang kontra-salaysay, inamin ni Sister Pat na siya ay sumali sa mga rally at pagtitipon ng mga magsasaka, ng mga manggagawa at ng mga mahihirap na naggigiit ng kanilang karapatan sa lupa, sa disenteng kundisyon sa trabaho, security of tenure at makatwirang sahod.

Posible rin umano sa gitna ng pagsali niya sa mga rally ay nagbitbit siya ng mga banner na may mga katagang “stop the killings,” “respect human rights,” “resume peace talks,” at “implement agrarian reforms.”

Pero paglilinaw ni Sister Pat, walang mali sa pagsali niya sa mga kilos-protesta na nananawagan ng pag-iral ng social justice at paggalang sa karapatang pantao dahil ito ay bahagi ng missionary work ng kinabibilangan niyang Sisters of Our Lady of Scion

Giit pa ni Sister Pat, ang Bill of Rights sa 1987 Constitution na kumikilala sa freedom of religion, freedom of speech at freedom of expression ay hindi lamang limitado sa mga Pilipino kundi ipinaiiral din sa mga dayuhan sang-ayon sa mga naunang desisyon ng Korte Suprema.

Kasabay nito, nagsumite rin si Sister Pat ng supplemental motion for reconsideration laban sa pagbawi ng BI sa kanyang missionary visa dahil nalabag umano ang kanyang right to due process.

Aniya, ang mga litrato na nagpapakita na siya ay may bitbit na plakard na “Free all Political Prisoners” na ginamit na batayan sa pagkansela ng kanyang missionary visa ay bahagi lamang ng kanyang missionary work na itaguyod ang social justice.

Read more...