Biyahe sa Edsa, nabawasan na ng isang oras ayon sa HPG

11992620_897725683627324_268075234_n
File Photo / Erwin Aguilon

Isang buwan makaraang mai-deploy sa Edsa, ipinagmalaki ng PNP Highway Patrol Group na kanila nang nagawang mabawasan ng hanggang isang oras ang byahe ng mga sasakyan sa naturang lansangan.

Ayon kay HPG Directorial Staff chief Sr. Supt. Fortunato Guerrero, ito ang lumabas na resulta ng kanilang isinagawang ‘travel time survey’ nitong nakalipas na October 5 hanggang 11.

Paliwanag ni Guerrero, umaabot na lamang sa isang oras at 21 minuto hanggang isang isang oras ang byahe ng mga bus sa southbound lane ng Edsa mula Balintawak hanggang Pasay City sa pagitan ng alas 6:00 hanggang alas 8:00 ng umaga.

Sa northbound lane naman, umaabot na lamang ito sa isang oras at 14 na minuto hanggang isang oras at 25 minuto sa kaparehong oras.

Nang hindi pa aniya hinahawakan ng HPG ang traffic management sa Edsa, umaabot ng mahigit dalawa at kalahating oras ang byahe sa Edsa sa tuwing rush hour.

Nasa 300 mga traffic violators na rin aniya ang kanilang nasita sa iba’t-ibang traffic violations.

Sa ngayon, hindi na aniya ang mga walang disiplinang mga motorista ang problema sa Edsa, kung hindi ang mga nasisiraan ng sasakyan at mga aksidente sa lansangan na nakapagpapabagal ng daloy ng trapiko.

Ilang mga U-turn slot at kawalan ng epektibong traffic light sa ilang mga intersection ang kanilang inaasikaso sa ngayon upang lalo pang mapabilis ang byahe sa EDSA.

Read more...