
Nakakita ang Office of the Ombudsman ng probable cause para sampahan ng kaso ang mag-amang Vice President Jejomar Binay at dismissed Makati City Mayor Junjun Binay dahil sa mga anomalyang kinasasangkutan ng mga ito.
Ilang oras matapos makapaghain ng kanilang certificates of candidacy, si VP Binay kasama ang katandem nitong si Sen. Gringo Honasan, inaprubahan ng Ombudsman ang pagsasampa ng kasong graft at iba pang kasong kriminal laban sa mag-amang Binay at 22 iba pa.
Itinuturong sangkot ang Pangalawang Pangulo sa umano’y lutuan sa bidding nga Makati City Hall Building 2 at Makati Science High School.
Samantala, ang nakababatang Binay naman ay sangkot umano sa anomalyang bumabalot Makati Carpark Building.
Magugunitang nauna nang naglabas ng desisyon si Ombudsman Conchita Carpio Morales na tuluyan nang tanggalin sa posisyon si Junjun at pagbawalan nang tumakbo at manungkulan sa anumang posisyon sa gobyerno dahil sa misconduct at honesty.
Ayon sa pahayag ng Ombudsman, apat na counts ng graft, anim na counts ng fasification of public documents at isang count ng malversation ang naka-abang kay VP Binay pati na sa iba pang kasangkot sa pagpapagawa sa tinaguriang pinakamahal na parking building sa buong bansa.
Lumalabas kasi sa mga ebidensya na inaprubahan ng mag-amang Binay ang mga resolusyon, notices of awards at iba pang mga dokumento na tila kahina-hinala mula sa Bids and Awards Committee (BAC).
Ani Morales, maaring ang tanging paraan para maalis sa pwesto si Binay ay sa pamamagitan ng impeachment pero hindi siya ligtas sa imbestigasyon.
Aminado naman ang tagapagsalita ng Ombudsman na si Janina Hidalgo na kailangan pang hintaying matapos ang termino ng Pangalawang Pangulo bago siya masampahan ng kaso dahil sa immunity from suit nito.
Sakali namang manalo siya sa halalan, kailangan na namang maghintay ng panibagong anim na taon bago siya makasuhan. Mali rin aniya ang ipinaglalaban ng kampo ni Binay na walang hurisdiksyon ang Ombudsman sa Bise Presidente dahil ito ay malinaw na nakasaad sa Saligang Batas at sa Republic Act No. 6770 o the Ombudsman Act na may karapatan ang kanilang opisina na imbestigahan lahat ng opisyal ng gobyerno.
Itinanggi naman ni Hidalgo na ang hakbang na ito ng Ombudmsan ay nagla-layong isabotahe ang kandidatura ni Binay na tatakbo bilang susunod na Presidente ng bansa.