Nagmistulang sarzuela ang unang araw ng paghahain ng kandidatura ng mga nagnanais tumakbo sa pagka-Presidente sa 2016 Elections.
Kinatampukan kasi ito ng mga ordinaryong mananayan na naghain ng kani-kanilang Certificate of Candidacy o COC sa punong tanggapan ng Commission on Elections o COMELEC sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila.
Kabilang sa agaw-atensiyon na naghain ng kanyang kandidatura sa pagka-pangulo ang ang otsent’y sais anyos na si Lolo Alejandro Ignacio na taga Pampanga.
Paliwanag ni Ignacio na puro wikang Ingles ang salitang binigkas, na kaya siya tatakbo ay para wakasan na ang korapsiyon at mga maling gawai sa gobyerno.
Kapag siya umano ang mananalong pangulo ng bansa ay tinitiyak niyang wala nang magugutom at squatters.
Napahiyaw naman ang mga mamamahayag na nasa COMELEC nang maglahad ng tula si Lolo Alejandro para sa kanya umanong iniirog na si Asunta de Rossi.
Samantala, agaw-pansin din ang sesenta’y siyete anyos na si Lolo Arsenio Dimaya na tubong Laguna na dumayo pa sa COMELEC Head Office para maghain din ng kanyang Sertipiko ng kandidatura at nag-ala Rock n’ Roll King na si Elvis Presley dahil sa bihis at itsura nito.
Nagpatikim din siya ng awitin ni Elvis Presley na may kasamang sayaw. Aniya idolo niya si Presley kaya gayang-gaya niya pati itsura ng idolo.
Sa dalawampu’t dalawang naghain ng COC sa unang araw ng Filing ng kandidatura ay tanging sina Vice President Jejomar Binay lamang, dating Tesda Director General Buboy Syjuco at Rizalito David na nagsampa ng disqualification case Laban kay Senadora Grace Poe ang mga kilalang personalidad.