Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nagrereklamo na ang labor groups gayung hindi pa nila nababasa ang EO kaya saan anya nanggagaling ang hugot nila laban sa gobyerno.
Malinaw aniya ang pinirmahan ng pangulo na ang pagbabawal sa contractualization ay dahil labag ito sa security of tenure ng manggagawa.
Giit ng opisyal, ang EO ay hindi pagpapapogi ng pangulo kundi pagpapatupad ng batas.
Ang EO aniya ay resulta ng konsultasyon sa pagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at labor groups, bagay na pagtupad umano sa pangako ng pangulo sa mga manggagawa.
Pahayag ito ng Palasyo matapos sabihin ang ilang labor groups na hindi katanggap tanggap ang EO dahil hindi umano sila sigurado kung kasama ang kanilang mga panukala sa inaprubahan ng pangulo.