Mariing kinundena ng National Union Journalists of the Philippines (NUJP) ang pagpatay sa radio broadcaster na nakabase sa Dumaguete City na si Edmund Sestoso.
Si Sestoso ay naging chairman ng chapter ng NUJP sa lungsod.
Sa isang pahayag, hinimok ng NUJP ang gobyerno na bigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mamamahayag at sinabing siya na ang ikawalong mamamahayag na pinatay sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ang pag-atake sa mamamahayag ay nangyari tatlong araw bago gunitain ang World Press Freedom Day ayon sa NUJP.
Nagpapakita lamang umano ito sa lumalalang ‘culture of impunity’ sa bansa kung saan pinatatahimik hindi lamang ang media kundi ang mga nagpapahayag ng kanilang mga boses sa mga isyung panlipunan.
Dahil dito, nanawagan ang NUJP sa pamahalaan na gawin nito ang obligasyong protektahan ang mga mamamayan at ang kanilang mga karapatan at huwag yurakan ang sinumang nagnanais na magpahayag ng kanilang mga saloobin.