Walang silbi sa mga mga manggagawa!
Ito ang reaksyon ng iba’t ibang grupo ng mga manggagawa sa pinirmahang executive order ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Cebu City kontra endo o end of contract.
Kapwa kinondena nina Kilusang Mayo Uno Chairman Bong Labog at Partido Manggagawa Chairman Rene Magtubo ang nilagdaang EO ng pangulo.
Anila, ang ginawa ng pangulo ay maituturing na pagtataksil at insulto sa hanay ng mga manggagawa.
Sa panig naman ni Akbayan Rep. Tom Villarin, ang nilagdaang EO ng pangulo ay hindi ang bersyon na pakikinabangan ng mga manggagawa.
Ayon naman sa labor organization na Nagkaisa-KMU, pabor lang sa mga employer, at kapitalista at maging sa DTI ang EO na pinirmahan ng pangulo.
Anila kalokohan ang naganap na paglagda ng pangulo sa nasabing EO sa isang Labor Day event sa Cebu dahil ito ay anti-worker at walang silbi.
Samantala, kung galit ang mga manggagawa sa EO ni Pangulong Duterte, tinawag namang ‘well crafted’ ng Employers Confederation of the Philippines o ECOP ang kautusan.
Ayon sa statement ng ECOP, binabalanse ng EO ang kapakanan ng mga manggagawa at ang “legal” contractual employment na tanggap sa buong mundo bilang work arrangement.
Ang talagang dapat umanong mawakasan ayon sa ECOP ay ang endo o 5-5-5.