Itinanggi ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na nagkasigawan sila ni Labor Sec. Silvestre Bello III sa usapin ng problema ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kuwait.
Kapwa humarap sa isang press conference sina Cayetano at Bello sa isang Labor Day event sa Cebu City.
Paliwanag ni Cayetano, hindi totoo ang lumabas sa balita na nagkaroon sila ng pagtatalo at nagkasigawan sila ni Bello hinggil sa isyu sa Kuwait.
Dagdag pa ni Cayetano, hindi rin totoong sinabi umano ng DFA na hindi naman inaapi ang mga OFWs sa Kuwait.
Ang tangi aniyang sinabi ng DFA ay 90 percent ng mga OFWs doon ay hindi nakararanas ng problema. Habang ang nalalabing 10 porsyento ay may problema sa kanilang mga amo.
Ani Cayetano, lagi silang magkasama sa pulong ni Bello at isang beses sa isang buwan ay tinatalakay nila ang mga isyu tungkol sa mga OFW.
Una rito lumabas ang ulat na nagsigawan at nagkaroon ng pagtatalo ang dalawang kalihim matapos na mapatalsik sa Kuwait si Philippine Ambassador Renato Villa.
Nangyari umano ang sigawan sa Malakanyang bago umalis si Pangulong Duterte patungong Singapore at pinagtalunan kung sino ang dapat sisihin sa insidente.