Meron akong apat na tanong na pwedeng gamitin ng bawat mamamayan para masuri ang mga kandidato.
Ito ay kung wala kayong balak na ibenta ang inyong boto o magpabola sa mga pangako ng mga kandidato mula sa pagkapangulo hanggang sa konsehal.
Una, masipag at masigasig ba ang kandidatong iyan? Baka naman tamad at hindi na nakakapag-ikot ng bayan? Baka hapon na ‘yan kung mag-upisina? Pumupunta ba iyan sa mga suluk-sulok na lugar tulad ng mga palengke, squatters area? Baka tamad at pag Sabado at Linggo gusto ay mag-day off? Pumipirma ba iyan ng mga kinakailangang dokumento sa oras o baka natatambakan ng trabaho dahil nga tamad?
Ikalawa, may desisyon ba iyan o papetiks-petiks lang? May sapat na karunungan at matalinong disposisyon ba siya na gagamitin sa bawat problema ng bayan?
Magaling bang “manager” para sa lahat iyan? Ayaw natin ng puro konsulta o dribol na style hanggang lumaki na ang problema. Ayaw rin natin ng kandidatong puro kakampi lang ang kinakausap at mga kasanggang pulitiko, negosyante at iba pa.
Ikatlo, mayroon bang “kabuuang plano” ang kandidatong iyan na pakikinabangan ng susunod na heneras-yon? Baka naman, gaya-gaya lang iyan o kabaligtaran sa nakaraang administrasyon at wala ring pangmatagalang kabutihan na plano? O kaya ay patse-patse kung magtrabaho at parang “student council” na naman ang mangyari sa ating bayan.
Ikaapat, maka-mahirap ba iyan o tuta ng mga negosyante?
Napakahalagang malaman ninyo ang lahat ng ito dahil marami sa kandidato ay hindi talaga nakakatulong sa mahihirap.
Marami sa kanila ang nakikipagkamay pero pagkatapos ay halos gustong maligo sa alcohol dahil sa sobrang pandidiri. Iyan bang kandidato na iyan ay pinopondohan ng mga negosyante para mahawakan ang bansa o ang inyong lalawigan, lungsod at munisipyo?
Sa totoo lang, wala akong pakialam kung mamorsyento o kumita ng pansarili itong mga halal na opisyal ng gobyerno. Wala naman talagang “malinis” na pulitiko.
Ang kailangan natin ay mga tao sa pwesto na tunay na magbabalanse ng pangangailangan ng nakararaming mamamayan at mga negosyante sa bansa.
Dahil nakakapanlumo na ang nangyayari sa bayan natin. Nakakalungkot tanggapin na isang porsyento lamang ng ating 100 milyong populasyon ang naki-kinabang sa 60 porsyento ng kabuuang Gross Domestic Product (GDP) ng buong bansa.
Lalong lumalangoy sa pera ang mga superyaman sa atin. Samantalang, tayo, ikaw at ako na kabilang sa natitirang 99 porsyentong populasyon ay araw-araw na nakikipaglaban, nakikipagpatayan sa nalalabing 40 porsyento ng GDP.
Napakataas ang income tax, value added tax (VAT) na nakapatong sa kuryente, tubig, pasahe, matrikula, toll fees, government clea-rances, bukod pa sa napakamahal na bilihin sa araw-araw.
Kawawang-kawawa na talaga tayo. Sabi nga ni Heneral Luna sa pelikula, Negosyo o kalayaan? Bayan o sarili? Pumili ka! Ika ang botante, mag-isip-isip ka na.