Paaagahin ng Korte Suprema ang botohan sa quo warranto petition laban kay Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno.
Sa huling Summer session ng Korte Suprema, nagpasya ang mga mahistrado na sa halip na gawin sa May 17 ay pagbobotohan na lamang nila ang kaso sa May 11, 2018.
Sa May 11 din nakatakdang isumite ng mga mahistrado ang kani-kanilang mga separate opinion.
Gagawin ang special en banc session ilang araw bago ang pagbabalik sesyon ng Kongreso sa May 15, 2018.
Tuwing buwan ng Mayo ay naka-recess ang en banc session ng Kataas-taasang Hukuman para tutukan ang pagsusulat ng mga desisyon.
Layunin ng isinulong na quo warranto petition ni Calida na mapawalang-bisa ang pagkakatalaga kay Sereno bilang chief justice dahil sa isyu ng integridad nang mabigo siyang makapagsumite ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) sa loob ng ilang taon noong siya ay nagtuturo pa sa University of the Philippines (UP).