Magiging color coding na ang sistema ng Commission on Elections (COMELEC) sa pagtukoy sa mga lugar sa bansa na kailangang bantayan dahil sa usaping pang-seguridad.
Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, mangangahulugan ito na hindi na gagamitin ang paglalarawan sa mga lugar bilang “areas of concern.”
Napag-usapan umano ito sa pagpupulong ng mga opisyal ng COMELEC, Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ang mga kulay umanong gagagmitin ay green, yellow, orange at red.
Paliwanag ni Jimenez, ang mga lugar na nasa ilalim ng “green” ay nangangahulugan na normal o walang problema sa seguridad.
Kapag ang lugar naman ay isinailalim sa “yellow color,” ibig sabihin ay mayroong political violence.
Sa ilalim naman ng “orange color,” nangangahulugan na ang lugar ay may presensya ng mga armadong grupo o organized movement, at kapag isinailalim naman ang lugar ng “red color,” itinuturing nang kritikal ang lagay ng seguridad.
Ang PNP umano ang magpapalabas ng listahan ng mga lugar na sasakupin ng color coding system, pero sa tantiya umano ng COMELEC, maaring karamihan sa mga lugar sa bansa ay ikunsidera sa ilalim ng “green color.”
Ang color coding system ay bilang paghahanda na rin umano sa 2019 mid-term elections.