Nakaalerto na ang Philippine National Police (PNP) sa mga ikakasang kilos-protesta para sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa May 1.
Sa isang panayam, sinabi ni PNP chief Director General Oscar Albayalde, inaasahan na ng pulisya ang kaliwa’t kanang protesta kung kaya’t handa na aniya ang kanilang hanay lalo na sa National Capital Region (NCR).
Batay sa inilabas na pahayag ng Kilusang Mayo Uno at Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa, aabot sa 150,000 na katao ang makikilahok sa gagawing protesta sa May 1.
Sa ngayon, sinabi ni Albayalde na wala pa silang nakukuhang impormasyon ukol sa nasabing bilang.
Gayunman, tiniyak ni Albayalde na nakataas pa rin ang maximum tolerance sa mga pulis.
Hinikayat rin ni Albayalde ang mga militanteng grupo na gawing matiwasay at walang mangyaring sakitan.