Kanal na naglalabas ng maruming tubig sa Boracay sarado na

Photo: Asec. Ricky Alegre/DOT

Mismong ang pinuno ng Boracay Foundation Incorporated na isa sa mga may-ari ng mga establishemento sa naturang isla ang itinuturong lumalabag sa ilang environmental protocols sa isla.

Sinabi ni Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) Boracay Drainage Project Engineer David Tapispisan na konektado sa iligal na koneksyon ng drainage system ang Hennan Garden Resort.

Ang nasabing istraktura ay pag-aari ni Henry Chusuey na siyang pinuno ng nasabing foundation.

Naayos na umano ng mga tauhan ng TIEZA ang dalawang malalaking tubo na naglalabas ng maruming tubig sa mismong shoreline ng Bolabog Beach.

Sa kabuuan ay umaabot sa 24 na mga establishemento na kinabibilangan ng ilang mga restaurant ang konektado sa nasabing iligal na koneksyon ng drainage system.

Sinabi rin ng opisyal ng TIEZA na nailipat na nila ang koneksyon ng mga kanal sa Boracay Island Water Company.

Ang nasabing kumpanya ang mangangasiwa sa water treatment bago pakawalan sa dagat ang mga nagamit na tubig.

Nauna nang sinabi ng Department of Tourism na ang maruming tubig mula sa mga imburnal ang siyang dahilan ng mga lumot sa paligid ng isla na nagtataglay ng mataas na antay ng coliform bacteria.

Sa kasalukuyan ay abala naman ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways sa pag-demolish ng ilang mga iligal na istraktura para mabawasan ang pagsisikip sa nasabing isla.

Read more...