Nakapagtala ng 30 porsyentong pagtaas sa kaso ng leptospirosis sa lalawigan ng Pangasinan.
Ang leptospirosis ay isang sakit na nakukuha sakaling pumasok ang bacteria mula sa ihi ng hayop sa bukas na sugat ng tao.
Ayon kay Dr. Anna Teresa de Guzman, nakapagtala ng 26 na kaso ng sakit mula January hanggang April 23 ngayong taon mula sa 20 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong 2017.
Ayon kay de Guzman, batay sa kanilang ulat, karaniwang biktima ay mga lalaki kung saan 18 kaso ang naitala habang 15 hanggang 19 anyos na age bracket ang naitalang pinakamarami ang naging biktima.
Apat na ang namamatay kung saan dalawa ay mula sa bayan ng Sual, at tig-isa sa Manaoag at Bolinao.
Hinikayat naman ng health official ang mga residente na magsuot ng proteksyon sa paa kung hindi maiiwasan ang paglusong sa tubig at putik dahil sa uri ng trabaho.
Nagpaalala rin si De Guzman na palaging hugasan ang bahagi ng katawan na palaging nalulubog sa tubig at putik.