Ibinahagi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa publiko ang mga palatandaan kapag posibleng mayroong nakatayong shabu laboratory sa mga residential area.
Ito ay matapos ang sunod-sunod na mga raid ng PDEA kung saan nadidiskubre ang operasyon ng mga shabu laboratory, kagaya na lamang ng shabu lab sa Batangas at Malabon na sinalakay kamakailan.
Ayon kay PDEA Chief Public Information Officer Derrick Carreon, kadalasan na tinatayuan ng shabu lab ang mgaabandunado o liblib na lugar kung saan bibihira o kakaunti lamang ang mga residente sa lugar.
Mayroon din aniyang mga pagkakataon kung saan isang bagsakan kung magbayad ang mga tenant sa kanilang inuupahang bahay.
Paliwanag ni Carreon, ito ay upang hindi na sila mabulabog o magambala ng mga may-ari ng bahay at malaya nilang maipagpatuloy ang mga iligal na gawain.
Kadalasan ding makikitaan ang mga shabu lab ng basura at gamit sa paligid katulad ng empty bottles at drum, at iba pang mga lalagyanan ng iba’t ibang kemikal.
Mayroon ding matapang na amoy ng kemikal na nagmumula sa isang establisyimento kung saan binubuo ang mga ipinagbabawal na gamot. Bukod pa ito sa specialized ventilation system at mga wiring na makikita sa mga shabu lab.
Paalala ni Carreon sa publiko, huwag mag-atubiling ireport sa mga otoridad sakaling makakita ang mga mamamayan ng posibleng shabu laboratory.