Mga empleyado ng gobyerno pinaalalahanan sa filing ng SALN hanggang April 30

Muling nagpaalala ang Civil Service Commission (CSC) at Office of the Ombudsman sa mga opisyal at kawani ng gobyerno tungkol sa paghahain ng kanilang statement of assets, liabilities and net worth (SALN) na may deadline lamang na hanggang April 30.

Sa ilalim ng RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees ay obligado ang lahat ng opisyales at empleyado ng gobyerno na maghain ng kanilang SALN kada taon.

Sa Section 8 ng nasabing batas, pinagsusumite ng SALN ang mga opisyal at empleyado 30 araw matapos maupo sa pwesto, 30 araw matapos magbitiw sa serbisyo o hindi kaya ay makapaghain ng SALN bago o mismong sa April 30 kada taon.

Ibinabala ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na ang paghahain ng SALN ay parehong ‘constitutional’ at ‘statutory obligation’ ng mga nasa serbisyo publiko.

Anya pa, sinumang mabigong makapaghain nito ay mahaharap sa parusang administratibo.

Sa isang pahayag ay nagpaalala rin ang CSC tungkol sa deadline ng filing ng SALN.

Sinumang mabigong maghain ng SALN ay maaaring maharap sa suspensyon, pagkakasibak sa serbisyo o hindi kaya ay maharap sa kasong kriminal tulad ng perjury at paglabag sa RA 6713.

Read more...