“He should be commended.”
Ito ang naging pahayag ni dating Pangulong Fidel V. Ramos kaugnay sa ginawang pagrescue ni Philippine Ambassador Renato Villa sa mga distressed overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait.
Matatandaang binigyan ng Kuwait government si Villa ng isang linggo para umalis sa kanilang bansa at bumalik na sa Pilipinas.
Ayon kay FVR, pinoprotektahan lamang ni Villa ang ating mga kababayan mula sa kamay ng malulupit nilang mga amo.
Kaya naman sinabi ni Ramos na dapat pa ngang parangalan si Villa dahil sa kanyang ginawa para sa mga Pilipino.
Nauna nang humingi na ng paumanhin si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano dahil sa nangyaring rescue mission. Ngunit aniya, kinailangan iyong gawin para mailigtas ang mga OFW sa kamay ng kanilang mapang-abusong employers.
Samantala, nangangamba ngayon ang Migrante International dahil sa posibilidad na mas lalo pang malagay sa panganib ang mga OFWs sa Kuwait dahil sa pagkawala ng representante ng Pilipinas sa nasabing bansa.