Nais ng Commission on Elections (Comelec) na magsagawa pa ng mas maraming simulation activities bilang paghahanda sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Mayo.
Ito ay matapos ang simulated voting na isinagawa sa Rosauro Almario Elementary School sa Tondo, Maynila noong Sabado, April 21 at nilahukan ng nasa 100 botante kabilang ang mga senior citizens at ilang kabataan.
Sa pamamagitan ng naturang simulation ay nalaman ng Comelec ang mga problemang maaaring kaharapin sa mismong araw ng halalan.
Ayon kay Comelec acting Chairman Al Parreño, isasagawa ang mga simulation activities sa regional level partikular sa pagsasanay ng mga guro na magtatrabaho sa araw ng eleksyon.
Sinabi ni Parreño na ipapabatid sa mga regional officials ang mga natutunan ng Comelec head office sa mock elections sa Maynila.
Bukod sa layong mapamilyar ang mga botante ay masusubok din ang kahandaan ng mga miyembro ng Electoral Boards at Barangay Boards of Canvassers.