Sa kanyang talumpati bago pumunta sa Singapore, sinabi ng pangulo na ang pagdalo niya sa 32nd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ay isang pagkakataon para sa patuloy na ugnayan ng mga bansa sa Southeast Asia at para isulong ang kapayapaan, seguridad, at katatagan sa rehiyon.
Ayon sa pangulo, makakatulong ang tema ng ASEAN summit sa mga prayoridad na isinulong ng Pilipinas bilang ASEAN chairman kabilang ang teknolohiya at innovation.
Patuloy aniya ang hakbang ng Pilipinas para maipatupad ang ASEAN Declaration on the Role of the Civil Service at makamit ang ASEAN Vision 2025.
Tiniyak naman ng pangulo na sasamantalahin niya ang pagkakataon para igiit ang proteksyon at isulong ang karapatan ng mga pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Tatalakayin ng pangulo sa mga kapwa ASEAN leaders ang mga isyu na may epekto sa kapayapaan, seguridad, at pag-unlad ng rehiyon.
Sa sidelines ng ASEAN meeting ay nakatakdang makipagkita ang pangulo sa mga negosyante para hikayatin silang mamuhunan sa bansa.
May pulong din ang pangulo sa Filipino community sa Singapore at babalik ito sa bansa sa Sabado.