Inilagay na sa ilalim ng State of Calamity ang kabuuan ng Boracay island.
Ipinaliwanag ni Special Assistant to the President Bong Go na kabilang sa mga isinailalim sa State of Calamity ay ang mga Barangay ng Balabag, Manoc-manoc at Yapak na pawang matatagpuan sa bayan ng Malay, Aklan.
Bagaman wala pang inilalabas na kopya ng proklasmasyon, sinabi ni Go na sadyang isinabay ang proklamasyon sa unang araw ng rehabilitasyon ng isla.
May pakiusap rin ang Malacañang sa mga may-ari ng negosyo sa Boracay pati na rin sa mga residente doon na makiisa sa pagsasaayos ng buong isla.
Kaninang umaga ay pinangunahan ng Department of Public Works and Highways ang paglilinis sa Boracay na susundan ng pagsasa-ayos ng sewerage system at pag-aalis ng ilang mga iligal na istraktura.
Nasa isla rin ang ilang mga opisyal ng Department of Interior and Local Government at Department of Tourism para bantayan ang isinagawang rehabilitasyon.