Hindi kasama sa masterplan ng rehabilitasyon ng Boracay ang pagtatayo ng tulay na magdudugtong sa isla at Caticlan, sa bayan ng Malay Aklan.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar, lalo lang magpapasikip sa isla ang pagtatayo ng tulay.
Bagaman hindi kasama sa masterplan, sinabi ni Villar na pinag-aaralan pa rin ito ng DPWH.
Sa ngayon aniya, pinagtutuunan nila ng pansin ang pagsasaayos ng mga tapunan ng basura sa Boracay.
Iginiit ni Villar na prayoridad ng kagawaran ang rehabilitasyon ng Boracay Circumferential Road at kasabay ng paglalagay ng sewage facilities.
Ayon sa kalihim, ilang bahay at mga istruktura ang kanilang aalisin dahil palalawakin sa 12 metro ang naturang kalsada.
Pinag-aaralan naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kung kinakailangan pa bang putulin ang ilang puno ng Narra para sa pagpapalawak ng kalsada sa ilang bahagi ng nasabing isla.