Kinilala ang mga namatay na sina Vilma Tabuzo at Lino Antonio na nakasakay sa isang van kasama ang kanilang mga kaanak kabilang ang tatlong bata nang bumunggo ito sa isang truck at isang motorsiklo dakong 10:45 ng umaga sa bahagi ng Marcos Highway sa bahagi ng Barangay Barangka.
Ayon sa imbestigador na si SPO3 Rowel Gural, ang van na minamaneho ng 71-anyos na si Francisco Valeza ay katabi lamang sa linya ng nakabungguan nitong trailer truck na minamaneho ni Richard Pisueña.
Dahil sa lakas ng pagbangga, umikot ang van at nahagip ang isang motorsiklo bago bumunggo sa dalawang puno na nagpatigil dito.
Ani Gural, inaalam pa rin nila kung paano nagkabanggaan ang truck at ang van gayong pareho naman silang nasa tamang linya bago mangyari ang aksidente.
Ayon sa hepe ng Marikina police na si Senior Supt. Vincent Caronga, agad na ikinamatay ni Tabuzo ang aksidente, habang si Antonio ay naideklarang patay habang ginagamot ito sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center.