Tuloy na ang tambalang Jejomar Binay at Gringo Honasan o BinGo.
Ayon sa dalawang source ng Inquirer, nagpasya na si Senador Gringo Honasan na tumakbo bilang Pangalawang Pangulo ni Vice President Jejomar Binay na tatakbo bilang Pangulo sa ilalim ng United Nationalist Alliance o UNA.
Inaasahang makakasabay ni Vice President Jejomar Binay sa kanyang pagtungo sa tanggapan ng Commission on Elections si Honasan sa paghahain ng kanilang certificate of candidacy ngayong umaga.
Ilang araw lamang ang kinailangan upang mabuo ang BinGo tandem nina Binay at Honasan matapos magmistulang iwasan ng mga pulitiko si Binay na naakusahang nagkamal ng milyun-milyong piso bunga ng mga kickback mula sa mga proyekto noong siya ay alkalde pa ng Makati City.
Bukod sa tandem nina Binay at Honasan, isa pang tambalan nina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Alan Peter Cayetano ang sinasabing buo na rin at inaasahang maghahain na lamang ng COC sa huling bahagi ng linggong ito.
Matatandaang una nang sinabi ni Mayor Duterte sa isang press conference sa Davao na ayaw niyang tumakbo sa pampanguluhang eleksyon.
Ngunit ngayon, sinabi ni Duterte na kung sakaling siya’y tatakbo, dapat hintayin na lamang ng publiko kung siya ay personal na magtutungo sa tanggapan ng Comelec at maghahain ng COC o hindi sa October 15.