Tinanggal na ng inter-agency task force ang restrictions sa mga kawani ng media na magko-cover sa anim na buwang pagsasara ng isla ng Boracay para sa rehabilitasyon.
Sa naganap na pulong balitaan sa Boracay ay sinabi ni Department of Tourism (DOT) Assistant Secretary Frederick Alegre na lahat ng mga accredited journalists ay magkakaroon ng unrestricted access sa isla.
Ani Alegre, sigurado siyang responsable ang mga kawani ng media na nasa Boracay para i-cover ang rehabilitasyon nito.
Matatandaang una nang sinabi ng DOT na lahat ng mga mamamahayag na pupunta sa isla ng Boracay upang i-cover ang rehabilitasyon nito ay kailangan munang mag-apply para sa accreditation sa DOT upang mabigyan ng special identification card.
Sa naunang guidelines, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon lamang maaaring manatili sa isla ang mga mamamahayag.
Nakasaad rin sa naunang guidelines na mayroon lamang na mga designated areas na maaaring puntahan ang mga reporter, at kung gusto nilang lumipat sa ibang lugar ay dapat silang samahan ng mga otoridad.