Bong Go hindi tatakbo bilang senador sa 2019

Sinabi ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go na hindi siya tatakbo bilang senador para sa 2019 midterm elections.

Ito ay bagaman mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nag-endorso kay Go sa pagkasenador.

Sa panayam sa Buluan, Maguindanao ay sinabi ni Go na wala siyang sapat na pera para sa kampanya.

Aniya pa, mayroon pa siyang tungkulin na kailangang gampanan bilang special assistant ng pangulo.

Nilinaw naman ni Go na nagpasalamat siya kay Pangulong Duterte dahil sa pag-endorso nito sa kanya. Ngunit aniya, hindi siya handang maging senador dahil hindi naman siya pulitiko.

Nagpasalamat rin si Go kay Moro Islamic Liberation Front (MILF) Vice Chairman Ghazali Jaafar na hinihimok rin siya para tumakbo sa pagkasenador.

Bilang sukli sa suporta ni Jaafar ay sinabi ni Go na tutulong na lamang siya para maipasa sa Kongreso ang Bangsamoro Basic Law, upang magkaroon na ng kapayapaan sa Mindanao.

Read more...