Nais ng mas nakararaming Filipino na pagtuunan ng pansin ng Administrasyon Duterte ang dagdag-sahod ng mga manggagawa, pagkontrol sa presyo ng mga pangunahing bilihin at pagtugon sa kahirapan, ayon sa isang survey ng Pulse Asia.
Batay sa Ulat ng Bayan para sa buwan ng Marso, naniniwala ang 50% ng mga Filipino ang dapat na matugunan ng gobyerno sa lalong madaling panahon ang pagdagdag ng sahod ng mga manggagawa. 45% naman ang naniniwala na dapat na kontrolin ng gobyerno ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sumunod naman sa listahan ng mga dapat na matugunan ang kahirapan na kung saan 35% ang nagsasabi nito, habang 32% naman ang nagsabing kailangan nang gumawa ng mas maraming trabaho.
Ilan pa sa mga usapin ng lipunan na dapat matugunan ang krimen sa 27%, pagsugpo sa katiwalian sa 22% at pagsulong ng kapayapaan sa 22%.
Batay pa rin sa naturang survey, naniniwala ang mas nakararaming Filipino na dapat kumilos ang gobyerno para matugunan ang mga usapin sa ekonomiya.
Isinagawa ng Pusle Asia ang survey mula March 23 hanggang 28 sa 1,200 adult respondents sa iba’t ibang bahagi ng bansa.