Malacañang: Pangulo seryoso sa pagbuhay sa peace talks sa CPP-NPA

Nilinaw ng Malacañang na ang 60-day window para sa peace talk na hinihingi ni Pangulong Rodrigo Duterte ay pwedeng gamitin para ugatin ang pinagmumulan ng rebelyon sa bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na sapat ang nasabing panahon para bumalangkas ang pamahalaan at ang Communist Party of the Philippines ng agenda para sa muling pagsusulong ng peace talks.

Naniniwala umano ang pamahalaan na ang kahirapan pa rin ang siyang tunay na ugat ng rebelyon sa ating bansa.

Noong Sabado ay personal na inimbitahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si CPP-NPA founding chairman Jose Maria Sison na umuwi sa bansa para higit na mapag-usapan ang pagkakaroon ng kapayapaan sa bansa.

Nakahanda umano ang pangulo na sagutin ang lahat ng gagastusin ni Sison pati na rin ang kanyang seguridad habang nasa Pilipinas.

Nakahanda rin umano ang pamahalaan na bigyan ng livelihood program ang mga rebelde basta’t itigil lamang nila ang ginagawang pag-atake sa mga sibilyan at pangongolekta ng revolutionary tax.

Read more...