Pagtakbo ni Duterte sa panguluhan, udyok ng publiko

 

Inquirer file photo

Nubenta porsiyento na umanong tatakbo sa pam-panguluhang halalan si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Ito ang sinabi sa Radyo Inquirer ni Senator Koko Pimentel makaraang mag-usap sila kamakailan ni Duterte.

Paliwanag ni Pimentel, public clamor ang nagbunsod kay Duterte para tumakbo sa pagka-presidente dahil kung tutuusin ay wala naman itong pera at malawak na makinarya para mangampanya.

Pagtitiyak pa ng senador na sasamahan niya si Duterte na maghain ng kanyang certificate of candidacy sa Oktubre a-kinse, araw ng Huwebes.

Nilinaw din ni Pimentel na wala pang napipili na running mate o kandidato sa pagka-bise presidente si Duterte sa kabila ng paglutang ng mga pangalan nina Senator Alan Peter Aayetano at Bongbong Marcos na kanya umanong magiging running mate sa eleksiyon.

Maging ang senatorial line-up ng Partido ng Demokratibong Pilipino o PDP-Laban na kinaaaniban ni Duterte ay wala pa rin umanong kasiguraduhan kung sino-sino ang makakasama.

Inihayag din ng senador na ang kandidatura ni Duterte ay kakaiba at unconventional dahil siya lamang ang kakandidato ng pagka-pangulo na i-eendorso ng kanilang partido.

 

 

Read more...