P50M inilaan para sa WiFi program sa ARMM

wifi
Inquirer file photo

Naglaan ng P50-M pondo ang gobyerno ng Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM para sa paglalagay ng Wi-Fi connection sa ilan pang bahagi ng rehiyon partikular na sa lugar ng mga Badjao.

Nais palawakin ng pamahalaan ng ARMM ang kanilang koneksyon sa Internet na nasa ilalim ng National Connectivity Program ng Department of Science ang Technology o DOST.

Ayon kay ARMM Governor Mujiv Hataman, ang naturang pondo na susuporta sa pagtatatag ng karagdagang Wi-Fi zones sa rehiyon, ay ibinigay ng programang Payapa at Masaganang Pamayanan ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process.

Kabilang sa mga kasama sa listahan ng bibigyan ng Wi-Fi connection ay ang isang eskwelahan sa Pagasinan Settlement sa Barangay Sanga-Sanga sa Bongao, Tawi-Tawi province.

Ayon sa pinuno ng Kasambulan sin Kauman Pagasinan tribal groups (Federation for Livelihood of Pagasinan Tribal Groups) na si Maaji Harnain, nais ng kanyang grupo na maging bahagi ng kanilang kasalukuyang sistema sa edukasyon na itinuturo sa mga matatandang miyembro ng kanilang tribu ang computer literacy program.

Sa paraan na ito aniya, mas lalawak na ang kamalayan ng mga Badjao sa Pagasinan settlement sa mga nangyayari sa bansa sa pamamagitan ng Internet.

Naitayo ang naturang eskwelahan sa tulong ng apatnapu’t apat na residenteng Badjao

Ayon naman kay ARMM Integrated Project Management Office Director Noor Saada, layon ng naturang programa ang makapagtatag ng Wi-Fi connectivity sa animnapu’t anim na munisipalidad sa mga lalawigan ng Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu at Tawi-Tawi.

Read more...