Mga manggagawa sa fast food chain, may 30-minuto hanggang 1-oras kada araw na hindi bayad na pagtatrabaho

Inquirer File Photo

Maraming manggagawa sa mga fast food chain ang nagtatrabaho sa loob ng 30-minuto hanggang 1-oras kada araw ng libre o hindi binabayaran.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Joshua Mata, secretary general ng grupong Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa o SENTRO, base ito sa sumbong sa kanila ng mga manggagawa sa fast food.

May practice aniya ang mga fast food chain na kung tawagin ay “charity work” o “clean as you go” kung saan ang huling 30-minuto hanggang 1-oras na pagtatrabaho ng mga manggagawa ay hindi binabayaran.

“Marami sa mga fast food workers natin ay nagtatrabaho ng hindi binabayaran. Ang tawag nila diyan ay charity work o kaya naman ay clean as you go. Ibig sabihin, on the aeverage anywhere from 30 minutes to 1-hour everyday na nagduduty ang mga fast food workers na ito, hindi po iyan isinasama sa kanilang pay slip hindi kino-consider na paid working hours, Halimbawa ang mga kahera, paglabas nila ng pera sa kanilang kaha, kailangan nilang bilangin, lumalabas na ang pagbibilang nila ng pera, hindi na ho iyon bayad, naka time off na sila pero hindi pa tapos ang trabaho nila,” ayon kay Mata.

Nakalulungkot ayon kay Mata na ang sangkot dito ay pawang multi-billion peso businesses at multi-national na pero pinagnanakawan pa nila ang kanilang mga manggagawa.

Sa pagtaya ni Mata, kung ang isang outlet ng fast food chain ay mayroong 30 tauhan, sa isang araw ay lalabas na mayroon silang P1.5 million na naibubulsa dahil sa hindi pagbabayad sa huling 30 minuto hanggang isang oras na duty ng kanilang mga empleyado.

Ikinuwento pa ni Mata ang kaso ng isang empleyado ng fast food na lumapit sa kanila matapos mapaso at malubog sa lutuan ng manok ang kaniyang kamay.

Ani Mata, hindi tinulungan ng kumpanya ang nasabing manggagawa at sa halip ay binigyan lang ng ointment para sa kaniyang paso.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...