Kris Aquino, binanatan si Korina Sanchez; “tinawag lang na Mrs. ni Mar Roxas”

Matapos ang pag-aalburuto sa kanyang dating asawang si James Yap, may bagong binanatan ngayon si Kris Aquino sa kanyang posts sa social media.

Ngayon naman ay sinopla ni Kris Aquino si Korina Sanchez matapos mai-feature sa programa nitong Rated K ang kanyang dating asawang si James Yap, bagong asawa nitong si Michela Cazzola at anak ng dalawa na si Michael James.

Hindi nagustuhan ng Queen of All Media ang tila ginawang pagtampok sa pamilya ng dating asawa sa programa ni Korina Sanchez.

Sa kanyang post, nabanggit ni Kris ang naging pagsuporta niya sa kandidatura ni Mar Roxas na asawa ni Korina dahil na rin sa pakiusap ng kanyang kapatid na si dating Pangulong Benigno Noynoy Aquino III.

“I have really had ENOUGH. Simple lang- minsan lang akong pinakiusapan ng kapatid ko- never para sa sarili nya pero para sa kandidatong inendorso nya. Dahil mahal ko sya ginawa ko. Lahat ng batikos ng dahil sa pagtulong na yon tinaggap ko..” ani Kris.

Giiit pa niya, lahat ng batikos ay tinanggap niya kapalit ng pagtulong sa pag-endorso ngunit tila ay parang sampal umano sa kanya ang ginawang pag-feature sa dating asawa sa programa ni Sanchez na tinawag niya lamang na ‘misis ni Mar Roxas’.

Pinepersonal niya anya ang pangyayari dahil binuwis niya ang kanyang kinabukasan ng walang inaasahang kapalit.

Ngunit ang naging ganti anya ay pagbibida pa sa umano’y ‘deadbeat’ na tatay ng anak na si Bimby.

Ang episode ng Rated K kagabi ay ipinalabas dalawang araw matapos ipahayag ni Kris ang saloobin sa pagiging iresponsable ni James Yap sa kanyang anak.

Samantala, bukod sa ibinahaging larawan kasama si Pangulong Rodrigo Duterte binanggit din ni Kris ang anya’y pagpapakita ng kabutihan ng kasalukuyang pangulo sa lahat ng pagkakataong nakaharap niya ito.

“Si PRRD lahat nung pagkakataon na nagkaharap kami, mabuti ang pinakita sa kin.”, dagdag pa niya.

Sa huli sinabi ng TV host na malinaw na sa kanya kung bakit si Pangulong Duterte ang nanalo sa 2016 Presidential Elections.

Samantala, naging mag magco-hosts si Kris at Korina sa programang Morning Girls with Kris and Korina mula 2003 hanggang 2004.

Read more...