Reaksyon ito ni HIRNA CEO and President Francisco Mauricio matapos sabihin ng Grab na sa kanilang operasyon, driver nila ang kanilang kliyente.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Mauricio na nakakatakot ang pahayag na ito dahil sa ganitong larangan ng negosyo, ang consumer ay ang pasahero at sila ang dapat lagging unang prayoridad.
“Kung talaga pong sinabi niya yon, nakakatakot, kasi at the end of the day it’s the consumers or passengers ang first priority, kasi it’s the passenger who needs to be uplifted. Kaya nga kami wala kaming booking fee ang nagbabayad sa amin ay ang operators. At dahil wala kaming booking fee, mas maraming passengers ang gumagamit sa amin, natutuwa ang drivers kasi mas marami silang kita, ganon naman po babalik at babalik sa ganon. So ‘pag happy ang passengers, happy ang drivers, magiging happy kami, ganon po ang logic,” ayon kay Mauricio.
Nakalulungkot pa ayon kay Mauricio ang nangyari sa Grab na maituturing nang monopoly.
Binanatan din nito ang pagiging pasaway ng Grab sa pagtatakda ng sariling presyo ng singil sa mga pasahero at harap-harapang pag-kontra sa LTFRB.
“Ang nangyari kasi sa Grab ito yung nakakatakot eh, monopoly na kasi eh. Monopoly is never good, and that what’s happening, kasi they dictate the price, pasaway sila eh, ito nga kinokontra nila ang LTFRB harap-harapan eh, so pasaway na,” dagdag pa ni Mauricio.
Ayon pa kay Mauricio, nasa TNVs ang lahat ng pamamaraan kung paanong masiguro na mapapanatiling matitino ang kanilang drivers at hindi nambabastos ng pasahero.
Aniya, sa HIRNA, mayroon silang common database kung saan makikita doon ang lahat ng record ng kanilang drivers, kabilang ang citation kapag nahuling lumalabag sa traffic law, kung may reklamo laban sa kanila at kung may nagawa silang krimen.
Naniniwala din si Mauricio na kasalanan ng Uber at Grab kaya nagkaroon sila ng mga driver na pasaway at bastos.