Umakyat na sa 253 ang naitalang bilang ng patay sa naganap na landslide noong October 1 dahil sa malakas na buhos ng ulan sa malaking bahagi ng bansang Guatemala.
Sa report na inilabas ng National Disaster Agency, umakyat na rin sa 374 ang bilang ng mga nawawala sa nasabing trahedya na naganap sa Santa Catarina Pinula na matatagpuan sa bulubunduking bahagi ng naturang bansa.
Karamihan sa mga nawawala ay pawang mga magkaka-anak ayon sa report ng local media sa lugar. Pahirapan pa rin ang paghahanap sa mga nawawala dahil nanatiling malambot ang lupain sa mismong kinaganapan ng pag-guho.
Nauna dito, sinabi ng National Coordinator for the Reduction of Disasters (CONRED) na matagal na nilang pina-aalis ang mga nakatirang mamamayan sa lugar dahil sa pagiging prone sa land and rock slides ng bahaging iyun ng Santa Catarina Pinula.
Pero hindi raw pina-pansin ng publiko ang kanilang panawagan hanggang sa maganap ang trahedya.
Ang Guatemala ay dumanas sa mga nakalipas na araw ng grabeng ulan at pag-baha at maituturing na isa sa pinaka-malala sa kasaysayan ng Central America.