DOLE: Panukalang batas laban sa Endo gagawing prayoridad sa Senado

Radyo Inquirer

Kinumpirma ni Labor Secretary Silvestre Bello III na sesertipikahan na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte na urgent ang panukalang batas sa Senado tungkol sa security of tenure sa halip na maglabas ng executive order laban sa kontraktwalisasyon.

Ginawa ni Bello ang paglilinaw sa harap ng pagkadismaya ng labor sector sa pahayag ng Malacañang na hindi na maglalabas si Pangulong Rodrigp Duterte ng E.O laban sa Endo bago o sa araw mismo ng Labor Day sa Mayo 1 tulad ng unang naipangako.

Ayon kay Bello, ito ang napagkaisahan sa kanilang pulong kasama si Executive Sec. Salvador Medialdea noong nakaraang Biyernes.

Wala rin aniyang saysay sakaling maglabas ng EO ang Malacañang kundi naman ito istriktong maipapatupad.

Ang dapat din aniyang parusahan ay ang mga pasaway na employer na hindi maaaring gawin sa ilalim ng isang E.O lamang.

Sinabi ng kalihim na ibinatay naman ang nasabing panukala sa isa sa bersyon ng executive order laban sa kontraktwalisasyon na dapat sana ay pipirmahan ni Pangulong Duterte.

Sa ilalim ng panukala sa ihahain sa Kongreso, ang mga manggagawa na nakatapos na ng 6-month probationary period ay otomatiko nang ituturing na regular na empleyado.

Read more...