Malacañang ikinatwiran na walang basehan ang reklamo ng IBP na ipinadala sa U.N

Inquirer file photo

Pumalag ang Malacañang sa panawagan ng Integrated Bar of the Philippines at lima pang grupo ng mga abogado mula sa United Nations na imbestigahan si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa walang humpay na pangha-harass kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nakatatawa ang hakbang na ito dahil malayo ito sa katotohanan.

Iginiit pa ni Roque na mismong ang mga kapwa mahistrado ni Sereno ang pumuwersa sa punong mahistrado na mag-indefinite leave.

Hindi aniya inaatake ng pangulo ang Supreme Court bilang institusyon kundi tanging si Sereno lamang.

Sinabi pa ni Roque na magsusumite ang Malacañang ng testimonya ng limang mahistrado ng Supreme Court na tumestigo sa Kamara sa impeachment proceedings .

Magugunitang nagsumite ng labinganim na pahinang report ang isang grupo kay U.N Special Rapporteur Diego Garcia dahil sa umano’y banta ng administrasyon sa kalayaan ng hudikatura.

Read more...