Pinatawan ng anim na buwang ban ng Nevada State Athletic Commission si Mexican middleweight boxer Saul “Canelo” Alvarez makaraang bumagsak sa drug test.
Matapos ang hearing sa Las Vegas, nagpasya ang komisyon na patawan ng ban si Alvarez at kanselahin na ang rematch nito kay Gennady Golovkin.
Epektibo ang ban mula February 17 kung kailan lumabas ang resulta ng drug test, dahil dito, sa Agosto na muli maaring sumabak sa boxing ring si Alvarez.
Sa isinagawang pagsusuri, dalawang beses na nagpositibo si Alvarez sa “Clenbuterol” nang sumailalim siya sa voluntary out-of-competitions tests bilang paghahanda sa laban niya kay Golovkin na magaganap sana sa May 5.
Sinabi pa ni Alvarez na ang pagkain niya ng kontaminadong karne sa Mexico ang maaring dahilan ng resulta.
Sa statement ng promoter ng boksingero na Golden Boy Promotions, sinabing tanggap nila ang parusa at handa silang i-reschedule ang rematch sa Setyembre.